Naka-full alert na ang Philippine Coast Guard o PCG bilang preparasyon sa pagdagsa ng mga pasaherong mag-uuwian sa mga lalawigan para sa Undas.
Inilarga na rin ng PCG ang kanilang Oplan Biyaheng Ayos simula ngayong araw hanggang sa Nobyembre 6 upang paigtingin ang seguridad sa lahat ng pantalan sa buong bansa.
Ayon kay PCG Spokesman, Capt. Armand Balilo, magtatayo rin ng mga passenger assistance center booth sa mga pantalan na kadalasang dinaragsa ng malaking bilang ng mga biyahero upang tugunan ang mga reklamo ng mga pasahero.
Pangangasiwaan ang mga booth ng mga personnel mula PCG, Philippine National Police, Department of Transportation, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority at iba pang government at non-government agency.
Umapela naman si Balilo sa mga pasahero na makipagtulungan sa mga otoridad lalo’t ipatutupad ang mas mahigpit na seguridad bente kwatro oras.
—-