Ibinunyag ni dating PNP-CIDG Chief Police Director Benjamin Magalong na napurnada umano ang kanilang operasyon sa National Bilibid Prison (NBP) noong Justice Secretary pa si Senator Leila de lima.
Sa ikalawang araw ng pagdinig ng Kongreso, isiniwalat ni Magalong na Hulyo 2014 ay nakipag-ugnayan siya kay De Lima hinggil sa “Oplan Cronus” o ang raid sa NBP kasama ang PDEA.
Aniya, ito’y dahil sa lumalalang problema sa illegal drugs sa NBP at gayundin ang pagkalat ng mga armas na ibinase sa resulta ng kanilang imbestigasyon.
Gayunman, sinasabing nilapitan si Magalong nina BuCor Chief Frank Bucayu at PAOCC Chief Gen. Reginald Villasanta noong September 2014 at nakiusap na huwag nang ituloy ang raid dahil delikado ang kanilang buhay kapag natuloy ito.
Giit pa ni Magalong, nagulat na lang siya nang matuloy ang pagsalakay noong December 2014 kung saan hindi na isinama ang PDEA at CIDG.
Bahagi ng pahayag ni dating PNP-CIDG Chief Police Director Benjamin Magalong
By Jelbert Perdez