Itinuturing ng isang retiradong sundalong Amerikano na malaking kapalpakan ang isinagawang Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero.
Ito’y sa kabila ng pagyayabang ng administrasyong Aquino na isang tagumpay ang nasabing operasyon na tanging ang mga Pilipino lamang ang nagkasa.
Ayon kay retired US Army Col. David Maxwell, hindi sana hahantong sa malagim na kamatayan ng 44 na miyembro ng SAF kung nakinig lamang ang militar at iba pang miyembro ng pulisya sa mga intelligence officer ng Amerika na nakamasid sa lugar.
Taliwas ito sa nakasaad sa report ng Board of Inquiry na walang naging ambag sa operasyon ang mga sundalong Amerikano para mapigilan ang madugong engkuwentro sa paligid ng tahanan ng international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Minsan nang pinamunuan ni Maxwell ang US special operation sa Pilipinas partikular noong mga taong 2006 at 2007.
PNP SAF, tiwalang sila ang nakapatay kay Marwan
Samantala, nanindigan ang kasalukuyang pamunuan ng PNP-Special Action Force na ang mga tauhan nila ang nakapatay sa International terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Sa harap ito ng naging pahayag ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na hindi ang PNP-SAF kundi ang aide mismo ni Marwan ang siyang nakapatay sa kaniya.
Ayon kay SAF Director Chief Supt. Moro Virgilio Lazo, naniniwala siya sa testimoniya ng kaniyang mga kasamahan bagama’t hindi siya makapagkomento sa usapin dahil hindi siya kabilang sa ginawang operasyon.
Magugunitang inilathala sa pahayagang Inquirer sa kasagsagan ng imbestigasyon sa Mamasapano incident na patay na umano si Marwan nang madatnan ng mga tauhan ng SAF.
By Jaymark Dagala