Ikinadismaya ni NCRPO Director Police Major General Debold Sinas ang pagkakakumpiska pa rin ng ilang mga ipinagbabawal na kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay Sinas, may mga nakuha pa ring iligal na droga sa loob ng bilibid tulad ng marijuana, shabu, cocaine at party drugs sa kanilang ikinasang oplan galugad kasama ang Bureau of Corrections noong Lunes.
Sinabi ni Sinas, target sana nilang makumpiska ang mga cellphone ng mga inmate na ginagamit pa rin umano para sa transaksyon ng mga sindikato ng iligal na droga sa loob ng bilibid.
Gayunman nasa 7 cellphone lamang aniya ang kanilang nakuha dahil may mga nakapagtimbre na sa ikinasa nilang operasyon.
Maliban sa mga iligal na droga, nakumpiska rin ng NCRPO at BuCor ang ilang mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng mga alak, sigarilyo, patalim, highly combustes materials tulad ng gasolina, pera, baraha, sex toys, appliances, alahas, gamit sa pagtatatto at mga hand tools—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).