Nasabat ang samu’t saring mga kontrabando sa isinagawang Oplan Greyhound ng BJMP o Bureau of Jail Management and Penology sa Quezon City Jail.
Ayon kay Jail Superintendent Emerlito Moral, jail warden sa bilangguan, isinagawa nila ang pag galugad matapos makatanggap ng impormasyon na may bentahan ng iligal na droga sa loob ng kulungan.
Ngunit ani Moral, wala silang nakuhang shabu at tanging mga lighter lang na hinihinalang ginagamit ng mga preso bilang drug paraphernalia ang kanilang nakita.
Maliban dito, nakuha rin mula sa mga bilanggo ang mga cellphone charger, improvised bladed weapons, mga gunting, martilyo, lagare, at sigarilyo.
Sinabi naman ni Moral na magtutuloy – tuloy ang pagsasagawa nila ng Oplan Greyhound sa mga selda sa Quezon City Jail.