Paiigtingin pa ng Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police ang kanilang pagbabahay-bahay para hikayatin ang mga may-ari ng baril na i-renew ang kanilang mga lisensya.
Ito ang inihayag ni PNP-Firearms and Explosives Office Director, P/BGen. Alvin Delvo kasunod ng kanilang kampaniya kontra loose firearms sa ilalim ng Oplan Katok.
Ayon kay Delvo, inaasahan kasi nilang darami ang mga loose firearm na siyang gagamitin ng mga kawatan sa panahong ito ng Eleksyon.
Sa ilalim ng Oplan Katok, bibigyan ng acknowledgement receipt ang mga gun owners na may expired na lisensya na magsusuko ng baril at ilalagay sa kostudiya ng PNP para sa safekeeping.
Kasunod nito, sinabi ni Delvo na pinadali na nila ang proseso para sa pagrerenew ng license to own and posses firearms na maaaring gawin kahit may umiiral na gun ban. – ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)