Nagpaalala ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng unit commanders nito na mahigpit na ipatupad ang mga operational guidelines para sa kanilang Oplan Ligtas Paskuhan 2021.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, ito ang kanilang pinaigting na paglalatag ng seguridad bago sumapit at mismong araw ng pasko gayundin ng bagong taon.
Kabilang dito ang pagpapaigting ng police visibility sa mga lugar na dinaragsa ng publiko partikular ng mga Simbahan, malls, palengke, terminal ng bus, pantalan at iba pang pook pasyalan.
Inatasan na rin niyang magtayo ng mga police assistance desk ang mga Pulis at papapakalat ng road safety marshalls sa mga pangunahing kalsada patungo sa mga lalawigan.
Kasunod nito, pinatututukan din ni Gen. Carlos sa lahat ng yunit ng pulisya ang kampaniya nila kontra iligal na droga at krimen. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)