Inilarga na ngayong araw ng Philippine National Police (PNP) ang “Oplan Ligtas Semana Santa 2016.”
Ito, ayon kay PNP Chief Police Director General Ricardo Marquez, ay bahagi ng kanilang security measure para sa publiko lalo na sa mga bibiyahe sa Mahal na Araw.
Partikular na tututukan ng mga pulis ang mga terminal ng bus, pantalan, paliparan at iba pang areas of convergence o mga lugar kung saan dumaragsa ang mga tao.
Bibigyan ding seguridad ang mga simbahan sa iba’t ibang lalawigan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Katolikong daragsa para sa Visita Iglesia.
Asahan na rin aniyang itataas ang full alert status bago mag-Semana Santa upang mas maraming pwersa ang magamit sa ground.
AFP
Kasado na ang ibibigay na seguridad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong Semana Santa.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, nakahanda silang mag-deploy ng mga tauhan mula sa AFP Joint Task Force NCR upang tumulong sa PNP sa pagpapatupad ng seguridad sa Holy Week.
Sinabi ni Detoyato na inabisuhan na nila ang kanilang mga tropa sa probinsya para sa ilalatag na security preparations partikular na sa mga lugar na balwarte ng mga grupong banta sa pambansang seguridad.
By Avee Devierte | Meann Tanbio | Jonathan Andal