Kasabay ng opisyal na deklarasyon ng PAGASA kaugnay sa pagsisimula ng panahon ng tag-init, pinaghahandaan na rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagdagsa ng mga turista sa iba’t ibang destinasyon sa buong bansa.
Kaya’t muling pinagana ng PNP ang kanilang Oplan SumVac o Summer Vacation 2022 upang matiyak na ligtas at payapa pa rin ang pamamasyal ng mga bakasyunista sa ilalim ng new normal.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/BGen. Roderick Alba, inaasahan nila ang pagdagsa ng mga turista lalo’t dalawang taon aniyang nakulong sa bahay ang lahat dahil sa mahigpit na quarantine restrictions.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos ang lahat ng Police Unit Commanders na makipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart sa Department of Tourism o DOT, community based volunteers at force multipliers.
Ipinag-utos din ni Carlos sa mga Pulis ang pagtatatag ng mga help desk ng kanilang mga Tourist Police upang paigtingin din ang pagpapakalat ng tamang impormasyon at pag-iingat lalo’t nariyan pa rin ang banta ng COVID-19. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)