Hindi na Tokhang kundi Tokbang ang ipapatupad ng Philippine National Police sa mga kasamahang pulis na sangkot sa illegal na droga.
Ito ang inihayag kahapon sa Malacañang ni Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa sa harap ng ulat na mahigit labing isang libong mga pulis ang sangkot sa illegal na droga sa buong bansa.
Ayon sa Chief PNP, iniimbestigahan na ngayon ang mga kasamahang sangkot sa illegal na droga at hindi na kailangan na i-Tokhang o katukin sa kanilang bahay ang mga ito.
Pabirong sinabi ni Dela Rosa na i-“tokbang” na lamang ang mga ito na ang ibig sabihin ay barilin na lang ang mga ito o “katok tapos bang”.
Mga pulis, aniya, ang mga ito kaya dapat matino at hindi nasasangkot sa illegal na droga.
Sinabi pa ni Dela Rosa na iniimbestigahan na ng PNP-Internal Affairs Service ang mga pulis na hinihinalang sangkot sa illegal na droga.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping