Ibabalik na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kontrobersyal na “Oplan Tokhang” partikular sa mga lokal na opisyal at iba pang personalidad na hindi kumikilos para linisin ang kanilang nasasakupan.
Ito ang inihayag ni PDEA Director General Wilkins Villanueva kasunod ng isinagawang Real Numbers Philippines Forum na isinagawa sa kanilang tanggapan kahapon.
Ayon kay Villanueva, magiging katuwang pa rin nila sa pagbabalik ng Oplan Tokhang ang Philippine National Police (PNP) gayundin ang National Bureau of Investigation (NBI).
Sa kasalukuyan, sinabi ni Villanueva na mayroon pang 14,000 barangay ang hindi pa nalilinis sa iligal na droga sa Luzon at Visayas area.
Gayunman, nilinaw ni Villanueva na kanilang ibabalik ang Oplan Tokhang sa sandaling matapos nang tuluyan ang panahon ng pandemya sa COVID-19.