Magbabalik na sa mga komunidad ang Pambansang Pulisya para katukin ang bahay ng mga hinihinalang personalidad na may kinalaman sa kalakalan ng iligal na droga.
Ito’y makaraang magbalik na ang kontrobersyal na Oplan Tokhang ng Philippine National Police o PNP ngayong araw makaraang ibalik sila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs ng administrasyon.
Pero sa bisperas pa lamang ng pagbabalik ng Tokhang, apat na hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang agad na bumulagta makaraang manlaban umano ang mga ito sa pulisya.
Dalawa ang naitala sa Payatas, Quezon City dakong alas-3:30 kahapon ng madaling araw nang matunugan umano ng dalawang suspek na kinilala sa mga alyas na Abis at Jom-Jom na pulis ang bumibili sa kanila ng shabu na nagkakahalaga ng isanlibong piso.
Isa rin ang patay sa Pasig City makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang gunmen ang hinihinalang pusher na si Oliver Plagata habang nasa burol ng isang kapitbahay noong Sabado ng gabi.
Magugunitang isa ring drug suspect ang natagpuang patay sa kahabaan ng C-5 extension sa Taguig City noong Enero 17 na kinilalang si Jomar Armada na una nang nahuli at kinasuhan ng Southern Police District dahil sa pag-iingat ng shabu.
Samantala, mananatiling nakabantay ang pamilya at mga kaanak ng biktima ng extrajudicial killings sa PNP kasabay ng pagbabalik ng kontrobersyal na Oplan Tokhang ngayong araw.
Ito’y makaraang maglabas ng pangamba ang mga pamilya ng mga napatay dahil baka maulit ang pagkalagas ng libu-libong mga buhay dahil sa muling pamamayagpag ng riding in tandem suspects nang una itong ilunsad.
Bagama’t pinalalabas na hindi kilala ang mga salarin na pumatay sa kanilang mga kaanak, naniniwala ang pamilya ng mga nabiktima na mga pulis ang siyang nasa likod nito, bagay na paulit-ulit namang itinanggi ng PNP.
Magugunitang tiniyak ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na walang dapat ikabahala ang pamilya ng mga biktima ng EJK dahil mahigpit na susundin ng pulisya ang bagong guidelines ng Oplan Tokhang.
—-