Suspendido muna ang pagpapatupad ng oplan tokhang o operasyon kontra iligal na droga ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang kinumpirma ni NCRPO Director, Police Major General Debold Sinas sa gitna na rin aniya ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon at pagsasailalim sa state of calamity sa buong Pilipinas.
Ayon kay Sinas, kasalukuyang nakatutok ang pulisya sa mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) partikular ang pagpapatupad ng strict home quarantine ng lahat.
Dagdag ni Sinas, wala rin aniyang makukuhang suplay ng iligal na droga ang mga drug suspect kung matitiyak na nananatili lamang sa loob ng mga tahanan ang lahat.
Una na ring sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magsisilbi rin ang mga pulis at opisyal ng barangay bilang mga tiga-saway ng mga estudyanteng nagpapagala-gala.