Sentido kumon lamang ang dapat gamitin ng gobyerno sa pagpapatupad ng batas na nagbabawal sa pagdadala ng baril o bala sa mga paliparan.
Ito ang binigyang diin sa DWIZ ni OFW Advocate Susan Toots Ople bilang tugon sa naging pahayag ni Transportation Secretary Jun Abaya na kailangang baguhin ang batas na nagtatakda sa pagdadala ng armas at bala sa mga paliparan.
Binigyang diin sa DWIZ ni Ople, bagama’t may batas na umiiral, kailangan pa ring tingnan kung ang batas na ipatutupad ay makabubuti o lalong makapagpapahamak sa mga mamamayan ng bansa.
“Pag alam mo na mali yung ipinapatupad mong batas at may mga inosenteng masasaktan ipapatupad mo ba yun? Kung public service ang habol mo, eh public cruelty ang mangyayari kapag ginawa nila yun.” Ani Ople.
Nanay Gloria
Samantala, nanawagan si Susan Toots Ople sa pamahalaan ang i-urong na ang kaso laban sa OFW na si Gloria Ortinez.
Si Ortinez ang 56 na taong gulang na Overseas Filipino Worker (OFW) na hindi pinayagang makabalik sa kaniyang trabaho sa Hong Kong makaraang mahulihan ng bala sa kaniyang bagahe sa NAIA.
Ayon kay Ople, malinaw naman na inosente si Nanay Gloria dahil na rin sa ipinakitang ebidensya ng PNP Aviation Security Group.
“Yung bala na ipinapakita na evidence ng PNP at Aviation Security Group ay iba sa bala na sabi nila ay nandun sa bag ni Nanay Gloria, so dun pa lang ang laki ng discrepancy, yun nga ang panawagan namin iurong na ang kaso, gobyerno lang naman ang magdedesiyon niyan, DOJ naman.” Dagdag ni Ople.
Giit pa ni Ople, masyado nang nasisira ang buhay at kabuhayan ng mga tulad ni Nanay Gloria na nabibiktima ng maling sistema at pamumuno sa mga paliparan.
“Paano mo naman sasabihin na politically motivated eh kita mo may psychological effect na nga yung nangyayari, tulad ni Nanay Gloria hanggang ngayon nandito pa rin siya sa Pilipinas, di makabalik sa kanyang employer sa Hong Kong, at wala pang resulta itong preliminary investigation.” Paliwanag ni Ople.
By Jaymark Dagala | Karambola