May mga isinasagawa nang istratehiya ang Office of the Press (OPS) upang mas maraming mahikayat na magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Press sec. Trixie Cruz-Angeles, patuloy ang pakikipagtulungan nila sa Department of Health upang mapaigting pa ang ‘PinasLakas’ Campaign na layong mapataas ang bilang ng mga nabibigyan ng bakuna partikular ng booster shot.
Nang simulan aniya ng DOH ang kampanyang ito, dinala nila sa Malacañang Press Corps (MPC) ang kanilang mga resource persons upang maipaalam sa publiko ang inilunsad na programa.
Dagdag pa ni Angeles, binibigyan din nila ng ibang platforms ang kagawaran ng kalusugan para maipalaganap ang kanilang mensahe ukol dito.
Mahalaga aniya ang PinasLakas Campaign ng DOH lalo’t magbabalik na ang face-to-face classes, kaya’t dapat lamang na matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagbabakuna.