Walang budget ang Office of the Press Secretary (OPS) upang labanan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Ito ang sagot ni press secretary Attorney Trixie Cruz-Angeles sa tanong ni Albay Representative Edcel Lagman kung mayroong partikular na pondo ang opisina nito kaugnay sa pagkalat ng fake news at disinformation.
Ani Angeles, wala silang budget sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) pero nag-dodoble kayod aniya ang kanilang mga empleyado para bantayan ang mga social media platform.
Tinanong naman ni Lagman si Angeles kung susuportahan nito ang isang panukala na isama ang social literacy skills sa curriculum ng elementarya, high school at tertiary education.
Tugon ni Angeles na 100% na bahagi ng kanilang programa para sa digital media ang media literacy at fact-checking, kaya kung mayroon aniyang panukala si Lagman ay tutulong ang kanilang tanggapan.