Magpupulong sa Biyernes ang League of Provinces of the Philippines (LPP) para pag-usapan kung dapat na bang gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Kasunod ito ng ordinansang ipinatupad ni Cebu Governor Gwen Garcia kung saan tanging sa indoor places na lamang required na magsuot ng face mask.
Ayon kay Dakila Cua, National Chairman ng LPP at Governor ng Quirino Province, hihingin nila sa IATF ang kumpletong resolusyon sa isyu na magiging gabay sa pulong sa Biyernes.
Aminado naman si Cua na pinag-aaralan na rin nila sa Quirino kung susundan ang hakbang ng Cebu sa pagtanggal ng face mask requirement.
Gayunman, dapat muna anyang pag-aralan itong mabuti kung magiging mapanganib laban sa pagkahawa sa COVID-19.