Ikinukonsidera na rin ng Quirino Province ang pag-alis sa Face mask Mandate, ilang buwan mula ngayon.
Ito ang inihayag ni Quirino Governor Dakila Cua, ilang araw matapos gawing opsyonal ng lalawigan ng Cebu ang pagsusuot ng face mask ng mga residente sa labas ng bahay.
Ayon kay Cua, wala nang naitala sa probinsya, na kasalukuyang nasa ilalim ng Alert level 1, na COVID-19 cases sa nakalipas na sampung araw.
Pinag-uusapan na anya nila ng mga Provincial Health Officer ang posibilidad na gawin na ring optional ang pagsusuot ng face mask.
Pinag-aaralan din nila nang maigi ang naturang ideya sa gitna ng posibleng pagtatapos sa Setyembre ng idineklarang Public Health Emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte o palawigin ito ni President-elect Bongbong Marcos.
Nilinaw naman ni Cua na target nila ang unti-unting pag-alis sa mandato na magsisimula sa pansamantalang pag-require ng face masks sa transportation terminals, pamilihan at matataong lugar bago tuluyang alisin.
Gayunman, susunod pa rin anya sila sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force kahit aminadong hindi niya nakikitang mananatili ang task force matapos ang termino ni Pangulong Duterte.