Umarangkada na ang oral arguments ng mga mahistrado ng Korte Suprema kaugnay sa nakabinbing petisyon ni Senadora Grace Poe.
Kaugnay ito sa pagkuwestyon sa desisyon ng COMELEC En Banc na nagpapatibay sa resolusyon ng dalawang dibisyon nito na nagdidiskuwalipika sa kaniyang tumakbo sa pagkapangulo dahil sa usapin ng citizenship at residency.
Magkasamang tumungo sa High Tribunal sina Senadora Poe at ang kaniyang ina na si Susan Roces gayundin ang running mate na si Senador Chiz Escudero.
Unang naglatag ng kanilang argumento ang kampo ni Senadora Poe sa pamamagitan ni Atty. Alex Poblador na nagsabing malakas ang kanilang pananalig na kakatigan sila ng korte.
***
Matibay ang paniniwala ni Senator Grace Poe na kakatigan ng batas ang kanyang ipinaglalabang karapatan ng mga inabandonang bata.
Ginawa ni Poe ang pahayag sa gitna ng sinisimulang oral argument ng Korte Suprema hinggil sa disqualification case laban sa kanya.
Giit ni Poe, hindi niya matanggap ang sinasabi ng ilan na ang isang ‘foundling’ ay ituturing na ‘stateless’ o walang nationality pagka-panganak.
Responsilidad aniya ng batas na proteksyunan ang karapatan ng mga mahina at walang laban.
Ang problema, ayon kay Poe, may makinarya ang ilang pulitiko para nakawin ang karapatan ng taumbayan na pumili ng tamang kandidato.
Dagdag ng senadora, idinadaan ang laban sa paninira, pagbali ng interpretasyon sa batas, korapsyon, at pandaraya.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez | Cely Bueno (Patrol 19)