Magpapatuloy bukas ang oral arguments ng Korte Suprema para sa higit 30 mga petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng Anti-Terror Law.
Batay sa abiso ng Korte Suprema, isasagawa ang naturang oral argument sa pamamagitan ng online at inaasahan na ipagpapatuloy lang ng mga mahistrado ang interpelasyon sa mga abogado ng Office of the Solicitor General (OSG).
Nauna rito, noong April 27, dinipensahan ng mga abogado ng OSG ang pagkakapasa ng naturang batas kasunod ng hiling ng SolGen sa kataas-taasang hukuman na ibasura ang lahat ng mga petisyon dito.
Isinisisi sa Anti-Terror Law ang umano’y red tagging sa ilang mga organisasyon at indibidwal gaya nga ng nag-organisa ng community pantry sa Maginhawa sa Quezon City.