Ipagpapatuloy ng korte suprema ang oral argument sa anti-terrorism law sa susunod na Martes, Pebrero 9, matapos mag-adjourn kahapon.
Sa gitna ng oral argument, sinabi ni human rights lawyer Atty. Chel Diokno, maaari pa ring ikunsidera bilang krimen sa ilalim ng anti-terrorism act of 2020 ang simpleng karapatan ng mga Pilipino na gumamit ng social media.
Ayon kay Diokno, isinulat ang naturang batas sa paraan na kung saan nabibigyan ng kapangyarihan ang mga law enforces na magbigay ng interpretasyon sa layunin ng mga protesta, tigil-trabaho at iba pang aktibidad na may kinalaman sa karapatang sibil at politikal.
Magugunitang sa ipinalabas na resolusyon ng korte suprema noong Enero 19, nakasaad ang pagpapatuloy sa pagasagawa ng oral argument sa petisyon kontra sa anti-terrorism act kahapon.
Gayundin ang paghihintay na matapos ang oral argument bago magbigay ng konklusyon ang korte suprema at tugunan ang hirit ng mga petitioners na itigil ang pagpapatupad sa naturang batas.