Ilalarga ng Korte Suprema ang oral arguments para sa petisyong kumukuwestyon sa drug war ng pamahalaan.
Batay sa panuntunan na inilabas ng Korte Suprema, ang mga naghain ng petisyon ang bibigyan ng pagkakataong unang makapaghain ng kanilang mga argumento bago ang depensa.
Bibigyan ng tig-dalawampung minuto ang magkabilang panig upang magbigay ng kanilang opening statement na susundan agad ng pagtatanong ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Pangunahing isyung tatalakayin ay kung naaayon sa konstitusyon ang PNP Memorandum Circular 16-2016 o ang PNP Oplan Double Barrel kung saan inaatasan ang mga pulis na i-neutralize ang lahat ng illegal drug personalities.
Ang unang petisyon na inihain ng Center for International Law Philippines ay humihingi ng writ of amparo upang protektahan ang mga residente ng isang barangay sa Maynila mula sa pangha-harass di umano ng mga pulis.
Ang pangalawang petisyon ay inihain naman FLAG o Free Legal Assistance Group na humihiling sa pagpapahinto ng anti-drug campaign.
Itinakda ang oral arguments mamayang alas-2:00 ng hapon.
—-