Pormal nang tinapos ng Korte Suprema ang kanilang oral arguments hinggil sa petisyong humihiling na gawing ligal ang same sex marriage sa bansa.
Binigyan ng 30-araw ng High Tribunal ang kampo ng petitioner at oppositor para isumite ang kani-kanilang memorandum sa naturang usapin na nagsimula kahapon.
Binigyang diin kahapon ni Solicitor General Jose Calida na walang mali sa itinatadhana ng Articles 1 at 2 ng Family Code na ang pagsasagawa ng kasal ay dapat sa pagitan lamang ng babae at lalaki bagay na kinontra naman ng mga petitioner mula sa LGBT o lesbians, gays, bisexual at transgender group.
Giit naman ng mga oppositor, hindi naman pinagkaitan ng karapatan ang mga nasa LGBT community na nais nilang makasal sa kaparehong kasarian subalit mali nang maituturing ang hirit nilang ibasura ang mga probisyon sa family code para pagbigyan sila.
Pero para naman kay Senior Associate Justice Antonio Carpio, naaayon sa batas ang pagkakasal sa magkapareho ang kasarian dahil malinaw aniya na kinikilala ng batas ang kasagraduhan ng kasal.
—-