Nanindigan ang HPG o Highway Patrol Group na panatilihin ang orange barriers na inilagay nila sa EDSA Kamuning area sa kabila ng mga reklamo mula sa mga motorista.
Binigyang diin ni Chief Supt. Arnold Gunnacao, hepe ng HPG na layon nitong turuan ng disiplina ang mga motorista lalo na ang mga bus na manatili sa kanilang lane.
Ayon kay Gunnacao, mas mabilis ang daloy ng trapiko kung matututo ang lahat na manatili sa iisang lane.
Sinabi ni Gunnacao na pinag-aaralan na rin nilang lagyan ng orange barriers ang iba pang bahagi ng EDSA lalo na ang mga lugar na may flyover.
“Dati kasi may karatulang nakalagay doon across Kamuning flyover doon sa ilalim ng MRT, ang sabi doon all buses taking Kamuning flyover next stop Santolan, so ang nangyari doon umaakyat yung mga buses sa flyover pumapasok pa rin sa service road, so nawawalan ng saysay yung karatula na yun, ngayon nung nilagay natin yung mga barrier ay may saysay na, hindi talaga makakatigil yung mga buses doon.” Ani Gunnacao.
Samantala, sa mga susunod na araw, ipinabatid ni Gunnacao na posibleng payagan na nila ang left turn sa bahagi ng Edsa – P. Tuazon at EDSA – Aurora Blvd.
Ayon kay Gunnacao, batay sa kanilang obserbasyon, mas nakakasikip ng daloy ng trapiko ang mga u-turn slots na ginagamit para lamang makapunta sa kaliwang bahagi ng EDSA.
“Kung saan-saan nagu-u turn sa dami ng sasakyan ngayon eh ang u-turn ay nagca-cause pa ng traffic dahil yung mga drivers natin hindi naman disiplinado, supposed to be 2 lanes lang ang u-turn eh inookupa nila yung 4 lanes.” Pahayag ni Gunnacao.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas