Nabawasan na ng 44 na minuto hanggang isang oras ang biyahe sa buong stretch ng EDSA.
Ayon kay Police Senior Supt. Fortunato Guererro, Hepe ng Task Force EDSA ng Highway Patrol Group ng PNP, batay ito sa isinagawa nilang survey mula October 5 hanggang 11.
Aabutin na lamang aniya ng mula 1 oras at 25 minuto hanggang 1 oras at 55 minuto ang biyahe mula balintawak hanggang Taft Avenue sa rush hour sa umaga o mula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng umaga, samantalang, 55 minuto lamang tatakbuhin mula Taft hanggang Balintawak.
Sinabi ni Guerero na malaking pagbabago na ito kumpara sa dalawa at kalahating oras na biyahe sa buong kahabaan ng EDSA bago nag-take over ang HPG.
Gayunman, nananatili anyang problema para sa HPG ang kahabaan ng EDSA mula Kamuning hanggang P. Tuazon na halos binabaybay ng 30 minuto ng mga motorista.
Tiniyak ng HPG na lalong gaganda ang daloy ng trapiko sa EDSA kung maisasayos ang ilang traffic engineering problem tulad ng traffic light sa North Avenue, Congressional Avenue at Quezon Avenue.
Sa ngayon, umaabot na sa 144 ang bilang ng HPG members na naka-deploy sa EDSA na hinati sa 3 shifts, 24/7.
By Len Aguirre | Jonathan Andal