Pinagpapaliwanag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang mga opisyal ng barangay na nasa likod ng street dance sa isang barangay sa Cebu City nitong weekend.
Ayon sa kalihim, hindi katangga-tanggap na sa kabila ng puspusang pagpapaalala ng gubyerno sa banta ng COVID-19 sa bansa, nagawa pa rin ng mga taga-Cebu na magsagawa ng mass gathering na labag sa quarantine protocols.
Dahil dito, nanindigan si Año na hindi niya kayang palampasin ang nangyari lalo’t nalagay sa balag ng alanganin ang kalusugan gayundin ang kaligtasan ng mga residente sa Sitio Alumno, Barangay Basak San Nicolas.
Kasunod nito, inatasan na ng kalihim ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente at sampahan ng kaso ang mga nasa likod nito.