Siniguro ng lokal na pamahalaan ng Marikina na mananagot sa batas ang organizer ng drone show ng Palarong Pambansa 2023.
Ito’y dahil sa baliktad na formation ng Watawat ng Pilipinas sa inaabangang drone show sa pagtatapos ng nasabing aktibidad.
Kung saan idinisplay ng naturang organizer ang Bandila ng Pilipinas na nasa itaas ang pula at nasa ibaba naman ang kulay asul na bahagi ng watawat.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, tinitiyak niyang masasampahan ng kaso ang Dronetech Philippines para matukoy ang parusa o pananagutan nito.
Nabatid na una nang humingi ng paumanhin ang nasabing organizer sa buong Pilipinas at iginiit na hindi nila ito sinasadya.
Matatandaang batay sa proper flag formation, asul dapat ang nasa itaas na bahagi ng bandila ng pilipinas na tanda na nasa mapayapang estado ngayon ang bansa at inilalagay lamang ang pulang bahagi ng watawat sa itaas tuwing may giyera o kaguluhan sa Pilipinas.