Tila nagpasahan lamang ng bola ang mga pulis at organizers ng Close Up Forever Summer Concert nuong buwan ng Mayo.
Kasunod ito ng isinagawang Joint Committee Hearing ng mababang kapulungan ng Kongreso hinggil sa ipinatupad na seguridad sa nasabing konsyerto.
Ayon kay S/Supt. Manuel Lukban ng Pnp-NCRPO, nakipag-ugnayan naman sa kanila ang organizers at binigyan sila ng security plans sa loob ng concert venue.
Sa panig naman ng Close Up Management, itinuro nito ang Event Scape na siyang over-all in charge sa coordination at objective setting ng nasabing event.
Habang ipinasa naman ng Close Up sa Activation Advertising ang responsibilidad para sa security at medical services.
Magugunitang lumabas sa naging pagdinig kahapon na walang security sa loob ng venue at wala ring mga K-9 units na nakadeploy sa concert venue para malaman kung may presensya ruon ng iligal na droga.
Kaugnay dito, nadiskubre ng PNP Crime Laboratory na mayroong Fibrosis o peklat sa puso ang dalawang nasawi sa Close Up Concert Party sa Pasay City.
Ayon kay PNP crime lab director Manuel Aranas, senyales ito na posibleng gumamit na noon ng iligal na droga sina Ken Miyagawa at Eric Anthony Miller.
Pero, nilinaw ni Aranas na hindi nasunog ang puso nina Miyagawa at Miller hindi tulad sa nangyari sa puso ng isa pang biktima na si Bianca Fontejon na sinuri naman ng NBI.
Namaga lang aniya at nagkaroon ng sira ang muscles sa puso nina Miyagawa at Miller.
Idinagdag pa ni Aranas na magkaiba ang mga ininom na droga ng mga biktima.
By: Jaymark Dagala / Meann Tanbio