Nababahala ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na maapektuhan ang pagtatayo nila ng dagdag na mga bilangguan sa bansa ngayong tinapyasan na ang kanilang panukalang budget para sa susunod na taon.
Ito ang dahilan kaya’t hiniling ni Baguio City Rep. Mark Go na ibalik ang orihinal na panukalang pondo para sa BuCor na mahigit P10-B.
Nabatid na P3.55-B lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) na mas mababa sa kasalukuyang pondo ng BuCor na P4.24-B.
Ayon kay BuCor Director General Gerald Bantag, bahagi rin sana ng pondo ang paglilipat ng mga persons deprived of liberty upang i-decongest ang New Bilibid Prisons (NBP) sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa kasalukuyan aniya, halos 50,000 mga PDL’s ang nagsisiksikan ngayon sa Bilibid gayung nasa 11,000 lamang ang kapasidad nito.