Nilinaw ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na nakahanda syang tanggapin ang mga umuuwing kababayan nila sa Ormoc City.
Tinukoy ni Gomez ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pinauuwi na sa kanila-kanilang lalawigan matapos ang mahabang panahon ng quarantine sa Metro Manila.
Gayunman, nilinaw ni Gomez na nais lamang nyang masunod naman ang mga protocols dahil maaaring masira ang ilang buwan nilang pagsisikap na mapanatiling coronavirus disease 2019 (COVID-19)-free ang Ormoc City kung hindi sila maghihigpit.
Maliban dito, hindi rin anya nya inasahan na dadaanin lamang sa text message at maging ura-urada ang utos na tanggapin ang mga darating na OFWs.
Ayon kay Gomez, nakausap na nya si DILG secretary Eduardo Año at nalinawan naman sya na batay ito sa ultimatum ng pangulo na kailangang mapauwi ang mga OFWs sa loob ng linggong ito at iba ito sa Balik-Probinsya Program.