Tatlong babae ang kumpirmadong nasawi sa Ormoc City dahil sa pananalasa ng bagyong Urduja.
Ayon kay Ormoc City Mayor Richard Gomez, isa sa mga biktima ay natabunan ng landslide, isa ang nalunod at isa ang inatake sa puso habang nasa bubong ng bahay dahil sa pagbaha.
Samantala, tatlong lalaki pa ang naiulat na nawawala matapos na maanod ng tubig baha at isang rescuer naman ang nakagat ng ahas na nagpapagamot na sa ospital.
Dagdag ni Gomez, mahigit nasa 400 mga pamilya ang nanatili pa rin sa mga evacuation center dulot ng mga pagbaha sa nasa dalawampu’t tatlong (23) barangay sa Ormoc City.
Tiniyak naman ni Gomez na patuloy ang mga ibinibigay na tulong sa mga apektadong pamilya.
Dumarating palang ‘yung Urduja, sa preparedness team namin, bumili na ka’gad kami ng mga pagkain tsaka ‘yung mga goods naihanda na namin.
Kaya ‘yan dini-distribute na ‘yan pati ‘yung mga tao ng Ormoc nagtutulong – tulungan, so, ‘yung mga bata, ‘yung used group namin sila ‘yung tumutulong na mag – impake ng mga goods.
Up to until… siguro mga… the next few days tuloy – tuloy kaming mag – iimpake.
Kasabay nito, nanawagan si Gomez sa national government partikular sa Department of Agriculture (DA) na tulungan ang mga magsasakang naapektuhan at nawasak ang mga palayan.
Itong November naging panahon na ‘to ng pagtatanim ng mga palay, so, bagong – bago ‘yung pagtanim ng mga palay na tinamaan ng Urduja, Malaki ‘yung gastos nila sa pagtatanim nila at sa preparation ng lupa nila.
And then, 90% po ng rice fields namin talagang nasira.
So, ‘yung tulong na hihingin sa Department of Agriculture, sa ating butihing Secretary, sana po ay mapuntahan ninyo ang Ormoc City para makita ninyo baka po may tulong na maaaring manggaling sa national government.
State of calamity at price freeze
Isinailalim na sa state of calamity ang munisipalidad ng Kananga sa Leyte.
Batay sa inaprubahang resolusyon ng Kananga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, idineklara ang state of calamity dahil sa malawakang pagbaha sa nasabing bayan dulot bagyong Urduja.
Una na ding isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Carigara sa Leyte, Ormoc City at Tacloban City.
Dahil sa deklarasyon ng state of calamity, maaaring magpatupad ng price freeze sa mga apektadong lugar at mabili ding makapagpapalabas ang pamahalaan ng pondo para sa kinakailangang tulong sa mga nasalanta ng bagyo.