Nagpatupad ng bagong travel restrictions ang lokal na pamahalaan ng Ormoc City upang malimitahan ang pagpasok ng mga tao at maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Executive Order No. 76 ni City Mayor Richard Gomez, hindi maaaring pumasok sa lungsod ang mga hindi residente mula sa ibang lugar na may local transmission, kahit pa may negosyo ito o nagtatrabaho sa lugar.
Papayagan namang pumasok ang mga may negosyo at nagtatrabaho sa Ormoc pero nakatira sa mga lugar na walang local transmission. Gayunman, hihingan ang mga ito ng ID, barangay certification, QR code mula sa “safe ormoc.today website”, at health pass mula sa city health office na valid sa loob ng pitong araw.