Nagsumite ng manifestation sa CA o Court of Appeals si Solicitor General Jose Calida na naglalayong maabswelto sa kasong serious illegal detention ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Subalit, ayon kay Senadora Leila de Lima, kaduda-duda ang hakbangin ng Solicitor General na mapawalang-sala si Napoles sa naturang kaso.
Giit ni De Lima, bagama’t ibang kaso ito sa PDAF scam, dito naman nabunyag ang sinasabing maanomalyang paggamit ng pork barrel ng ilang mambabatas matapos umanong ikulong ni Napoles ang kanyang pinsan na si Benhur Luy.
Para naman kay Luy, isang malaking palaisipan kung bakit mistula silang binabaligtad ng kasalukuyang pamahalaan.
Si Luy ay nasa ilalim ng WPP o Witness Protection Program ng gobyerno kabilang ang iba pang testigo sa kasong plunder nina dating Senador Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Samantala, nilinaw naman ni Solicitor General Calida na ang isinumite nilang manifestation ay opinyon lamang ng OSG at hindi naglalayong mapawalang-sala si Napoles sa naturang kaso.
By Jelbert Perdez