Personal na binisita ni Health Secretary Francisco Duque III ang ospital na umano’y nakatanggap ng kautusang itigil na ang pagbibilang ng mga nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay matapos kumalat, partikular sa social media ang nabanggit na impormasyon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tinungo ng kalihim ang nabanggit na ospital para alamin ang mga hakbang na kanilang ginawa para matugunan ang usapin.
Dagdag ni Vergeire, tinalakay din ni Duque ang isyu sa pinuno ng lahat ng mga partner hospitals ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila sa pamamagitan ng isang video conference call.
Muli namang iginiit ng DOH na hindi sila nagpalabas ng anumang kautusan sa mga ospital na itigil na ang pagbibilang sa mga nasawing may kaugnayan sa COVID-19.