Inanunsyo ng pamunuan ng Governor Celestino Gallares Memorial Hospital (GCGMH) na tanging mga indibidwal na may COVID-19 lamang ang kanilang tatanggapin para ma-admit sa kanilang pagamutan.
Sa abiso ng opsital, ang kanilang pagamutan ay gagawing COVID Phase Level 4 na status hanggang Setyembre 16, 2021 dahil sa pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya ng Bohol, gayundin ang nakakaalarmang mga kaso ng Delta variant.
Ibig sabihin, ang naturang ospital ay tatanggap lamang ng mga pasyenteng may COVID-19 o kahalintulad na sintomas ng virus.
Habang ang mga pasyenteng hindi pasok sa naturang kategorya ay i-rerefer sa iba pang mga ospital.
Magugunitang bago nito ay naabot na ng GCGMH ang full capacity ng kanilang COVID-19 ward at isolation rooms.
Sa huli, nanawagan ang pamunuan ng GCGMH sa publiko na magpabakuna para kahit papaano’y may proteksyon sa banta ng virus at mga variants nito.