Punuan na ng mga pasyente ang iba’t ibang ospital sa Santa Rosa, Laguna sa gitna ng pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Santa Rosa Mayor Arlene Arcillas, sa katunayan ay magmula pa noong mga nakaraang linggo ay marami nang mga ospital sa kanilang bayan ang tumigil nang tumanggap ng mga pasyente dahil sa full capacity nito.
Isa pa sa mga kinakaharap na problema ng mga ospital ay ang pagdapo ng COVID-19 sa kanilang mga health workers gaya ng mga doktor at nurses na pangunahing dahilan sa pagkukulang ng kanilang workforce.
Kasunod nito, napipilitan na lamang ilagak ng mga pamilya ang kanilang mga kaanak na dinadapuan ng COVID-19 sa ‘home care’ o kani-kanilang bahay habang naghihintay na ma-admit sa mga ospital.
Sa pinakahuling tala ng Santa Rosa Health Department, aabot pa sa 934 ang bilang ng active cases sa kanilang lungsod, may 9,506 na nakarekober sa COVID-19, habang 281 na ang mga nasawi.