Mahigpit nang ipatutupad ng Calabarzon Police ang lockdown sa mga bayan sa Batangas na nasa loob ng 10 kilometer danger zone.
Ito ang inihayag ni Calabarzon Police Chief B/Gen. Vicente Danao Jr. kasunod ng kautusan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Danao, magpapakalat sila ng mobile patrols na siyang susuyod sa mga kabahayan para tiyaking wala nang tao na nagtatago ruon.
Sa panig naman ng DILG, Sinabi ni Año na kanila nang naabisuhan ang mga alkalde sa 14 na bayang nasa ilalim ng lockdown na huwag nang ipatupad ang window hour.
Ayon sa kalihim, bagama’t nauunawaan naman nila ang kalagayan ng mga alagang hayop pero mas mahalaga aniya sa ngayon ay ang buhay ng tao.
Umapela si Calabarzon Police chief B/Gen. Vicente Danao Jr. sa mga nagsilikas na residente ng Batangas na sundin ang ipinatutupad na lockdown ng mga awtoridad.
Ayon kay Danao, nais nilang matiyak ang kaligtasan ng kanilang nasasakupan lalo pa’t nagbabadya anumang oras ang isang mas malakas na pagputok ng bulkang Taal.
Kasabay nito, hinimok din ni Danao si Talisay City Vice Mayor Charlie Natanauan na tumulong na lamang sa halip na udyukan pa ang kaniyang mga kababayan na suwayin ang utos ng mga kinauukulan.
Nagbanta naman si Danao na i-aalay niya si Natanauan sa bulkang Taal sakaling magmatigas ito at mapahamak ang marami niyang kababayan.
Magugunitang umalma si Natanauan sa paghihigpit ng mga awtoridad batay na rin sa rekumendasyon ng Phivolcs sa paniniwalang pinapatay nito ang ekonomiya ng kanilang bayan.