Umuugong ang planong pagpapatalsik kay House Speaker Pantaleon Alvarez sa sandaling magbalik ang sesyon ng Kongreso kasabay ng ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma ng tatlong kongresista mula Mindanao na tumangging magpakilala na papalitan si Alvarez ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon sa tatlong Mindanaon congressmen, humiling ng suporta sa kanila si Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para sa pagpapatalsik kay Alvarez upang ihalal si Arroyo bilang bagong House Speaker.
Isa umanong mambabatas ang magtatangkang mag-mosyon upang ideklarang bakante ang posisyon ng House Speaker sa oras na magbukas ang sesyon mamayang alas-10:00 ng umaga.
—-