Nagpaalam na si Defense Secretary Voltaire Gazmin sa miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa talumpati ni Gazmin sa testimonial parade para sa kanya kanina, ibinida nito ang modernization program ng administrasyon ng Pangulong Benigno Aquino para sa militar.
Aniya umabot sa P60 bilyong piso ang inilibas na pondo ng kasalukuyang administrasyon para sa pagpapalakas ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ito na ang pinakamalaking pondo na inilaan ng isang administrasyon para sa AFP.
Si Gazmin ay dati ring miyembro ng militar at naging commander siya ng Presidential Security Group ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Isa siya sa pinakamalapit na miyembro ng gabinete kay PNoy.
Papalitan si Gazmin ni incoming Defense Secretary Ret. Gen. Delfin Lorenzana sa pagpasok ng administrasyong Duterte.
By Jonathan Andal (Patrol 31)
(Photo: Testimonial parade for outgoing Defense Secretary Voltaire Gazmin at Camp Aguinaldo/ Courtesy of Jonathan Andal)