Itinanggi ni outgoing Minority Leader Danilo Suarez na may umiikot na pera sa Kamara para sa labanan sa House Speakership.
Kasunod ito ng pagsisiwalat ni dating Speaker at Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez na umaabot sa kalahati hanggang isang milyong piso ang alok sa bawat kongresista kapalit ang boto para maging House Speaker.
Ayon kay Suarez, mismong si Alvarez na dating House Speaker ay hindi naman nagbayad gayundin din si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Aniya ang tanging meron lamang sa kamara ay pagla-lobby para sa chairmanship ng mga makapangyarihang komite na matagal na aniyang nangyayari.
Dagdag ni Suarez, ngayong pa lamang, nagsisimula nang kumilos ang mga miyembro ng mga partidong politikal na kaalyado ng pangulo para makuha ang chairmanship sa ilang mahahalang House committee tulad ng Majority Leader, appropriations at ways and means.