Hinamon ni outgoing Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa ang international group na Human Rights Watch na sampahan siya ng kaso kaugnay sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Kasunod naman ito ng pahayag ni Human Rights Watch Researcher Carlos Conde na iiwanan ni Dela Rosa ang PNP na madumi at may pinakamalalang record sa paglabag sa karapatang pantao simula noong rehimeng Marcos.
Dagdag pa ni Conde, bukod sa International Criminal Court, magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang United Nations kung saan posibleng panagutin si Dela Rosa.
Nanindigan naman si Dela Rosa na kaya nilang patunayang walang nilabag ang PNP sa pagpapatupad ng war on drugs.
Binatikos din ni Dela Rosa ang pananahimik naman ng grupo kaugnay sa mga pulis na nasawi sa mga engkuwentro laban sa mga drug suspect.
—-