Pinag-aaralan ni Chief Presidential Legal Counsel Attorney Salvador Panelo ang posibilidad na dumulog sa Korte Suprema upang pigilan ang imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay sa umano’y tagong-yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Panelo, lumabag kasi sa batas si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang nang ilabas nito ang mga hawak daw nilang investigatory records ng Pangulo.
Paliwanag ni Panelo, nakasaad sa ating Saligang Batas na hindi maaring maglabas ng anumang rekord kapag mayroong iniimbestigahan dahil sisirain nito ang pagkakataon ng respondent para sa isang patas na paglilitis.
Malinaw din aniya sa “doctrine of immunity” na hindi maaring sampahan ng kaso ang nakaupong Presidente dahil magiging sagabal ito sa kanyang tungkulin sa bayan.