Iminungkahi ng ilang senador ang pagkakaroon ng “overhaul” sa PhilHealth.
Ito anila’y upang malinis ang buong sistema ng PhilHealth matapos lumabas ang mga alegasyon ng korapsyon sa ahensya.
Ayon kay Senador Richard Gordon, kailangan nang palitan ang mga nasa pwesto at humanap ng kwalipikado at talagang marunong magpatakbo ng insurance.
Gayundin ang apela ni Senadora Imee Marcos na aniya ay hindi lang dapat mapokus ang atensyon sa mga nasa matataas ang posisyon kundi maging sa mga mababang posisyon.
Naniniwala naman si Senador Ralph Recto na mismong sistema na ang kailangan baguhin at hindi lang ang mga tao ng PhilHealth para tuluyang matuldukan ang korapsyon sa ahensya.
Samantala, umapela naman si Zubiri sa mga may nalalaman hinggil sa anomalya sa PhilHealth na lumantad at sabihin ang katotohanan hinggil sa alegasyon.