Sinita ng Commission on Audit (COA) ang mahigit P936 million na overpayment o sobrang binayad ng PhilHealth sa iba’t ibang healthcare institutions noong nakaraang taon.
Ayon sa audit report ng COA, nagbigay ang philhealth ng full reimbursement sa mga package rates sa iba’t ibang healthcare institutions para sa mahigit 312,000 sampled claims.
Ito ay bagama’t mababa anila ang aktuwal na hospital charge ng mga member patients.
Gayundin nagbayad din ang PhilHealth ng maximum na halaga ng professional fees.
Sinabi ng COA, karamihan sa mga nagkaroon ng overpayment ang philhealth ay mga health care service providers sa National Capital Region, Rizal, Caraga, Ilocos Region, Eastern Visayas at Zamboanga Regions.
Binigyang diin ng COA, dahil sa sobrang ibinayad ng PhilHealth, nabigo itong isakatuparan ang layunin ng kanilang programa na itaas ang financial health protection ng kanilang mga miyembro.
Dagdag ng COA, tanging ang mga healthcare institutions lamang ang nakinabang sa programa.