Paiimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y overpriced na mga kagamitang medikal at test kits na binili ng pamahalaan para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Presidential spokesman Secretary Harry Roque, nababahala ang pangulo sa laki ng deprensya sa presyo ng mga kagamitang binili ng Department of Health kumpara sa pribadong sektor.
Magugunitang kinuwesyon ni Senator Panfilo Lacson sa ginawang pagdinig nito ang pasya ng DOH na bumili ng P4-milyong halaga ng nucleic acid extractors gayung mahigit P1-milyon lamang ito nabili ng pribadong kumpaniya.
Ayon kay Roque, maging ang pangulo mismo ay naguguluhan kung bakit ganuong kalaki ang diprensya sa presyo ng mga nabiling kagamitan ng DOH gayung mayruon naman palang mas mura subalit pareho lang ang kalidad.
Magugunitang ibinunyag din ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na umamin sa kaniya ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na overpriced din ang binili nilang test kits na nasa mahigit P8,000 kada bundle gayung mayruon namang kaparehong test kits na nagkakahalaga lang ng mahigit P2,000.
Maging ito ani Roque ay nais ding imbestigahan ng pangulo upang maliwanagan ang publiko hinggil dito.