Kinalampag ng Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG) ang Senado para imbestigahan ang isa na namang uri ng fertilizer scam.
Ito’y makaraang mabisto ng sinag ang overpriced na pagbili ng mga regional offices ng Department of Agriculture sa mga abono o fertilizer.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, sumulat na sila kay Senate Committee on Agriculture Chairman at Sen. Francis Pangilinan hinggil dito.
Ani So, hindi na matapus-tapos ang kalbaryong hinaharap ng mga magsasaka ng palay dahil bukod sa umiiral na COVID-19 pandemic ay hindi pa rin tumitigil ang anomalya sa mga abono na dapat sana’y nakatutulong sa kanilang produksyon.