Ipinagtanggol ng Malacañang ang Presidential Management Staff kaugnay sa lumabas na report ng Commission on Audit na pagbili ng overpriced na inuming tubig ng ahensiya.
Kasunod ito ng ginawang pagkastigo ng COA sa PMS dahil sa biniling bottled water na halos siyam na beses ang presyo sa binibiling tubig sa water refilling station.
Sinabi kahapon ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, sumagot na ang PMS sa COA at nagbigay-linaw sa naging hakbang ng ahensiya.
Ginawa, aniya, ang alternatibong opsiyon dahil sa usaping pangkalusugan na nag-ugat sa dating binibiling supply ng inumin kung saan nakaranas umano ng Diarrhea ang mga PMS personnel.
Binigyang-diin ni Coloma na naaayon sa batas ang naging hakbang ng PMS at ang mga biniling may kamahalang water dispensers ay ibinigay sa mga tanggapan sa probinsiya.
Nauna rito, kinuwestiyon ng COA sa kanilang 2015 Financial Audit Report ang PMS dahil sa mga biniling branded na inuming tubig sa commissary ng Armed Forces of the Philippines na nagkakahalaga ng 850,000.00 Pesos gayundin ang labingsiyam na water dispenser na nagkakahalaga ng mahigit 76,000.00 pesos.
Dating nabibili ang bawat bote ng mula uno Singkuwenta Sentimos hanggang Uno Sitenta’y Singko Sentimos kada litro, subalit umabot ng mahigit siyam na piso kada litro ang presyo ng mga binili sa AFP Commissary.
By: Avee Devierte