Matatapos na sa araw na ito ang taning sa buhay ng panukalang dagdag na pensyon para sa mga SSS pensioners.
Ayon kay Cong. Neri Colmenares, batay sa kanyang impormasyon, idedeklara na ng pamunuan ng mababang kapulungan ang sine die adjournment ngayong hapon.
Gayunman, bago anya mangyari ang sine die adjournment ay ihahabol niya ang mosyon para ma-override ang veto ng Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang dagdag na pensyon sa SSS pensioners.
Hanggang kaninang umaga ay nasa 128 congressmen na ang nakapirma sa mosyon na i-override ang veto ng Pangulo.
Subalit tiwala si Colmenares na kaya nilang maabot ang kinakailangang 192 pirma.
Executive order
Posibleng matagalan bago maipatupad ang dagdag na pensyon sa SSS pensioners kung idadaan ito sa executive order lamang at hindi sa pamamagitan ng batas.
Ayon kay Cong. Neri Colmenares, posibleng bumuo pa ng bagong board para sa Social Security System ang papasok na administrasyon at kailangan pang bumuo ng draft para sa mungkahing executive order.
Ito anya ang dahilan kayat kahit sa mga huling araw na ng sesyon ng Kongreso ay pilit nilang inihahabol na ma-override ang veto ng Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang dagdag na pensyon para sa SSS pensioners.
Gayunman, malaking konsolasyon na anya para sa mga SSS pensioners na buhay ang pag-asa ng dagdag na pensyon sa susunod na administrasyon.
Una nang nagpahayag ng pagsang-ayon si incoming President Rodrigo Duterte na madagdagan ang pensyon ng mga SSS retirees.
By Len Aguirre