Nais ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na maibalik ang flagship scholarship program na nasimulan ng kanyang ama na si dating pangulo Ferdinand Marcos upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral na makapag-aral sa mga pinakamahuhusay na paaralan sa ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Marcos, standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), sa harap ng ilang representante ng iba’t ibang sectoral group sa ginanap na Town Hall meeting sa Lambayong, Sultan Kudarat.
“Dati ang dami-dami nating scholarship program. Bawat department may scholarship program. Office of the President may scholarship program. Ang dami talaga dati, ngayon medyo hindi na natin ginagawa,” wika niya.
“Dapat bigyan natin ang mga estudyante na deserving, na marunong, na masipag, na matalino, na nakapasok sa mga magagandang eskuwelahan, kahit sa labas ng Pilipinas,” dagdag pa ni Marcos.
Binigyan-diin din ni Marcos na noong panahon ng administrasiyon ng kayang ama, libo-libong iskolar ang naipadala sa ibang bansa, gaya ng Amerika at Europa, para makapag-aral.
“Alam niyo ba na libo-libo ang mga Marcos scholars na nag-aral sa Europe, sa Germany, sa U.K., kung saan-saan. Dahil nag-eksamen sila, tinanggap sila eh wala naman silang pambayad, binigyan sila ng scholarship,” sabi niya.
Aniya ang lahat ng iskolar ay bumalik sa bansa matapos ng kanilang pag-aaral kaya’t nagkaroon ang Pilipinas ng mga grupo ng eksperto na nakatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya at industriyalisasyon.
“Lahat yan bumalik at yan ang nagpaganda sa sistema natin sa Pilipinas. Balikan natin yung scholarship program tapos ibagay natin dun sa pangangailangan. Halimbawa, kung mag-expand tayo sa agriculture, kailangan natin ng agronomist, ng agriculturist, gumawa tayo ng scholarship program para sa kanila… Kailangan ibabagay din natin yung scholarship program sa mga kailangan natin,” sabi ni Marcos.
Isa sa mga scholarship program na ibinibigay noong 1980s ay ang “Ferdinand E. Marcos Scholarship Program for Fisheries,” kung saan ang mga nakapasang estudyante ay maaring ituloy ang kanilang bachelor’s, master’s, o kaya’y doctorate degrees sa mga lokal at foreign educational institutions.
Ibinahagi din ni Marcos ang kanyang plano na maisaayos ang sistema ng edukasiyon sa bansa, kung saan nakatuon ito sa pagmo-modernisa ng mga pasilidad sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at mamuhunan upang mapagpatuloy ang mga training ng mga guro.
“Kung pagagandahin natin ang educational system natin, hindi natin magagawa kahit marami tayong napakagandang classroom, kahit kumpleto ang equipment natin kung ang ating mga guro ay hindi nasusuportahan,” sabi ni Marcos.
“Number one sa kanilang benepisyo, sa kanilang sahod. Number two kailangan din mag-retraining ang mga teacher dahil ang bilis ng takbo ng teknolohiya ngayon, ang bilis ng pagbabago ng mundo ngayon. Lalo na itong pandemya, maraming nabago,” dagdag pa niya.
“So kailangan tulungan natin sila na matuto sila lahat ng mga bago na dapat ituro sa mga bata. I think that will be the inspiration for our teachers,” sabi ni Marcos.