Naantala ang Overseas voting sa Milan, Italy makaraang hindi dumating ang mga balota sa araw ng botohan.
Nalito din ang mga Pilipino sa Roma sa unang araw ng botohan dahil naman sa pag-aakala ng iba na maaari silang makaboto sa embahada sa nabanggit na lugar.
Ayon sa mga Pinoy sa nabanggit na bansa, hindi sila nakapasok sa kanilang mga trabaho dahil naglaan pa sila ng araw para makaboto.
Nilinaw naman ni Consul General Bernadette Fernandez na maari lamang makakuha ng kanilang balota sa konsulado ang mga botanteng nag-email at nag-request sakanila ng personal pick-up.
Ang mga Pilipino naman na hindi nakipag-ugnayan sa embahada ay matatanggap ang kanilang balota mula sa Poste Italiane habang magkakaroon din ng mobile voting kasabay ng mobile outreach sa ilang lugar sa Roma.
Sa ngayon, naghihintay pa rin ang konsulado ng guidelines mula sa Comelec kung kailan pwedeng simulan ang personal voting kung saan ang mga botante mismo ang magfi-feed ng kanilang mga balota sa Vote Counting Machines (VCM).